Saturday, July 26, 2008

kay "Tita"



hinahanap ka sa akin ng lupa,
na dati mong kapiling
sa pag-asam ng isang pahinga.

hinahanap ka sa akin ng ulan,
na dati mong kasabay
sa tuwing aagos ang iyong mga luha.

hinahanap ka sa akin ng hangin
na dati mong tagapakinig
sa mapapait mong mga hinakdal.

wala akong maisagot
sapagkat hinahanap din kita.


...PAGKAT bakante na ang bangketa
na nagsilbing iyong sanktuwaryo
sa paghahanap ng barya
at mailap na biyayang
maipantatagpi sana
sa inaagnas mong sikmura.

at hindi ko na rin batid
kung ikaw pa ba'y naririto pa

...o ang katawan mo'y
inangkin na ng lupa,

ang hininga mo'y
nilunod na ng ulan,

o ang buhay mo'y
inagaw na ng hangin.



alay kay "Tita"; 70-80 taong gulang; pulubi/cigarrette vendor.
naninirahan sa Makati; dayuhan sa sariling mundo.

12 comments:

chroneicon said...

kung siya nga ang tinutukoy mo, hindi ko na rin siya nakikita...

naalala ko tuloy ung moments na magkasama tayo tapos hinahanap natin siya.

emotera said...

asan na nga kaya si tita??

wala ka pa din kupas LV...galing pa din ng mga tula mo...

teka,asan n nga ba ang post na ayong, ayong??wala lng usong uso kasi ung mga tinagalog na kanta

molestedtwineggs said...

may TITA rin ako na ganyan nasa QC.. ayaw na umuwi sa probisnsya.. street vendor din.. wala pang asawa mga 50 years old na rin.. pride kasi umiiral kahit anong tulong at suggestion ang minumungkahi ko...baka maari mong tulungan pre LV..
sayo na ang boto ko.. kung nagkataon..

nice poem...

UtakMunggo said...

minsan tatanungin mo rin sa sarili mo, nabuhay nga bang silang talaga?

pag nakikita mo sila, kitangkita mo rin ang chasm sa pagitan ninyo, kahit na di naman karangyaan ang sarili mong buhay, napakalaking agwat pa rin ang pagitan ninyo.

kahit na anong outreach at immersion pa man, hindi kayang tukuyin kung ano nga ba ang buhay kung sisilipin sa kanilang mata.

maligayang pagbabalik, LV.

The Gasoline Dude™ said...

Aww. May konting kirot sa damdamin. Asan na kaya siya? Baka naman lumipat lang ng puwesto. O kaya'y natulungan na siya ng "Wish Ko Lang" o ng "Wowowee". Hehe. = P

lethalverses said...

@chroneicon : siya nga pare... si tita, na tinangka nating hanapin sa kahabaan ng makati.

...ngunit bigo tayo.

@emoterang nurse : salamat sa papuri. haha merong full version sa blog ni chie ng tinagalog naming umbrella song.

@mte : sure parekoy! yan ang gusto ko sayo, may puso ka sa kapuwa. email mo sakin ang location nya.

@utakmunggo : dapat palitan mo na talaga ang blogname mo, dahil hindi ka utak munggo.

isa kang henyo, ayon na din sa mga kumento mo, sa blog mo - makulit man o seryosong lathala.

@gasdude : sana nga lumipat lamang siya ng pwesto... sana. SANA.

GODDESS said...

kung totoo mang kinuha na siya, take comfort in knowing na sa kinaroroonan niya ngayon, wala na siyang paghihirap. may isang HENYO na nagsabi sakin kelan lang na "isipin na lang natin na He has plans for us" and I agree.

ang baet baet mo naman. matalino, mabaet, ano pa hahanapin mo! =)

Anonymous said...

your back na nga definitely..and what a "first" full poem,ang talim ng pangil sa last part.

tama si goddess,what more can we ask for?kaya nga heartrob si sherwin noong college hihi

Anonymous said...

Ang bait mo naman talaga.At kahit nasan man si tita ngayon I know it's God's will.

napunding alitaptap... said...

hmmmmmmmmmmmm. . .

=/

flyfly!

Anonymous said...

naalala ko bigla yung matandang pulubing lagi kong nakikita sa plaza nung high school ako. lagi ko siyang binibigyan ng extrang pagkain pag meron ako... hanggang sa isang araw, di ko siya nakita... isang araw na tumagal ng pitong taon.

nasaan na nga kaya siya...

Anonymous said...

ang hirap no? to be affectionate with someone on the street... tapos biglang mawawala ng di mo alam kung san napadpad. kung kinuha na ba sila or nag-iba nga lang ng lugar. lalo pa kung alam mong somehow, they are doing something para may ilaman sa kanilang sikmura. at sila ay biktima lamang ng kahirapan ng buhay...

pero minsan kasi, nadala ako sa ilang pulubing naka-engkwentro ko sa kalye. may isang hinihingan ako para sa kanyang anak daw, subalit ako'y isang hamak na estudyante pa lamang at nagkataong pamasahe na lamang pauwi ang tanging laman ng aking kalupi. ng wala akong maiabot, ako'y minura at winikaang mamatay na raw... ang isa nama'y araw-araw sa iisang lugar sa kalye Espanya naghihingi ng pamasahe pauwi... ala eh, di na nakauwi ang matandang un, araw-araw na lang andun...

ano ba? napakwento ako... senxa na po!