Isang malaking kawalan sa mundo ng blogosperya ang kamatayan ng blog ni Jeckyll ng Red Hot Silly Kamote - anupa't tunay ngang isa siyang henyo sa larangan ng pagsusulat. Ang dibersidad ng kaniyang talento at lawak ng karunungan ay masasalamin sa kaniyang mga akda, maging ito man ay may bahid ng katatawanan (o sa ating kasalukuyang slang ay tinatawag nating "kakulitan"), kalaliman, kabastusan ...at kasawian.
At dahil ang espasyong ito ay inilalaan ko kay Jeckyll, hindi ko na pahahabain pa ang pasakalye. Isang malaking karangalan ang mapiling second host ng kaniyang huling akda - na nauna nang nalathala sa sarili niyang blog - ilang minuto bago ang pagkawala nito. Mabuhay ka pareng Jeck! Hihintayin namin ang iyong pagbabalik!!
...Naririto na ang huling akda ng RHK, at ang kadahilanan ng kamatayan nito:
ONE LAST POST
Sinindihan ko ang natitirang sigarilyo sa aking dalang pakete. Huli na ‘to, ang nasabi ko sa aking sarili. Habang patuloy na nagbabantay sa mga taong dumadaan sa labas ng coffee shop na tinatambayan ko. Magtatatlong oras na rin akong naghihintay. Hindi pa rin sya nagbago. Late pa rin.
Naisip kong hindi na siguro sya darating, nagbago na siguro ang plano niya. Malamang hindi sya pinayagan o kaya may iba pa syang mas mahalagang bagay na gagawin. Nagpasya na akong umalis na lang. Palabas na sana ako ng pinto nang biglang tumambad sa aking harapan ang mukhang hindi ko pa rin nakakalimutan. Muntik ko na syang mabangga sa sobrang pagmamadali niya. Mabuti na lang at mabilis akong nakaiwas. Nagulat ako dahil hindi ko na inasahang darating pa siya. Hindi pa rin siya nagbabago. Maganda pa rin – kahit late.
“Kumusta ka na?” sabi ko habang nasa manibela ang mga kamay at nakatutok ang mata sa daan.
“Okey lang” ang sagot nya na hindi man lang din tumitingin sa akin.
“Saan ba tayo pupunta?”
“Sa dati. Sa dating nating tambayan nung highschool pa tayo.”
“Ang cheap mo naman, de kotse ka na pero ang jologs mo pa rin.”
“Hindi naman lahat ng naka-kotse eh sosyal. Isa pa, marami akong dahilan kung bakit dun ko tayo gustong pumunta at mag-usap.”
Marami akong dahilan. Kung sasabihin ko man sa kanya lahat, kulang din ang ilang oras na pagkikita namin. Ang totoo nyan, gusto ko lang siyang makita at makausap. Kaya nga nung natanggap ko ang paanyaya niya na magkita kami ay hindi ko na siya tinanggihan. Maraming taon na rin naman ang nakalipas matapos mangyari ang lahat.
“Kumusta na nga pala ang baby mo? Ilang taon na nga pala siya?”
“Four years old. Mabuti naman. Ayun, napaka-kulit at maarteng bata.”
“Nagmana sa iyo.”
“Hindi ah.”
Nakarating kami sa lugar na tinutukoy ko. Kahit pa sinasabi ng iba ng baduy ang lugar na ‘to, masaya ako kapag nakakakita ako ng dagat. Dito ko nararamdaman ang kalayaan lalo na kapag natatanaw ko sa malayo ang pagtatagpo ng langit at dagat. Dito namin binuo aming mga pangarap. Dito sa lugar na ‘to ko syang unang nakitang umiyak. Noon ko lang din nalaman na naiyak siya dahil nasabihan ko siyang ‘chubby.’ Simula n’un naging maingat ako sa pagbigkas ng salitang ‘yun.
Naupo kami sa upuan na madalas din naming inuupuan noon. Natatandaan ko pa, isang beses hindi kami umuwi. Magdamag kaming magkasama dito, nagkwentuhan lang kami magdamag tungkol sa maraming bagay. Sa problema niya sa kanyang pamilya, sa eskwela at marami pang iba. Pinilit kong alalayan siya sa lahat ng pagsubok na nararanasan niya. Hindi ko na siya nagawang iwan dahil alam ko sa sarili kong hindi ko rin kaya kapag wala siya. Nung sumapit ang alas dos ng madaling araw, naihi kami pareho, naghanap kami ng C.R. pero wala kaming makita hanggang sa makaabot kami sa Pedro Gil. Naki-CR kami sa isang bukas na fast food chain. Pagkabalik namin lugar na ‘to, nakita namin na may portalet pala sa may bandang kaliwa ng kinauupan namin.
Iniabot ko sa kanya ang softdrink in can at ilang chichiryang paborito niya. Magkasabay kaming kumain na nakatanaw sa dalampasigan. Natutuwa ako dahil hindi siya nagreklamo kahit ganun lang ang pinagsasaluhan namin. Naisip ko kasing pareho na kaming may trabaho ngayon at kung tutuusin kaya na naming umorder at kumain sa mamahaling restaurant sa Maynila. Ngunit ngayon, masaya kaming magkasama habang tangan ang kasimplehan ng aming kabataan. Ganito yung gusto ko, ‘yung simple lang pero masaya.
“Kumusta ka na nga pala? Balitaan mo naman ako sa mga nangyari sa buhay mo” wika niya habang ngumunguya ng mister chips.
“Ako? Wala namang masyadong nangyari sa akin. Nung makahanap ako ng ibang trabaho n’un, nagkaroon ako ng scholarship kaya nakapag-aral ako ng masteral. Ayun, tuloy-tuloy na ‘yung swerte.”
“At nag-abroad ka pagkatapos n’un?”
“Oo. Alam mo namang matagal ko nang gustong gawin ‘yun. Pag nandito ka sa Pinas, hindi ka talaga uunlad. Walang mangyayari dito sa buhay mo… teka, balita ko nag-work ka rin abroad, di ba?”
“Oo, pero saglit lang ako dun. Mas gusto ko pa ring magtrabaho dito. Isa pa, ‘di ko rin magawang iwan ang anak ko.”
Napatingin ako sa malayo pagkatapos niyang masambit ang huling dalawang salitang binitiwan niya. Kung kanina, interesado akong makibalita sa anak niya, ngayon, nagising ako sa katotohanan na hindi na kami gaya ng dati. Hindi na kami mga estudyanteng maliit ang mundo at wala pang responsibilidad sa buhay. Kami na ngayon ay bahagi ng kasalukuyan na alipin ng aming pagkakamali at pagkatuto. Kailangan na naming harapin ang bunga ng aming pagkakamali. Hindi na kami tulad ng dati.
“Kumusta na nga pala ang asawa mo?” marahan kong pagtatanong para basagin ang aming katahimikan.
“Matagal na kaming wala. Hindi rin naman niya ako pinakasalan eh kaya wala ring saysay kung magsasama kami.”
Tinanong ko siya kahit alam ko naman ang isasagot niya. Hindi naman ako makikipagkita sa kanya kung alam kong may asawa siya, noon pa man, iwas na ako sa mga babaeng may minamahal nang iba.
Nakilala ko siya nung nasa nasa fourth year highschool pa lang kami. Transferee siya noon. Naaalala ko pa, madaming lalaki ang nakabungad sa pintuan ng classroom namin. Pagpasok ko ng classroom ay nakita ko ang pinakamagandang anghel sa balat ng lupa. At dahil bago siya ay ipinakilala siya sa akin ng isa kong kamag-aral. Iniabot niya nang banayad ang makinis niyang kamay, hindi ko inabot at ngumiti lang ako sa kanya. Noon pa man, alam kong higit pa sa pagiging magkaibigan ang magiging turingan namin sa isa’t-isa.
Hindi naglaon, gumradweyt kami at iniwan ang buhay highschool. Nagkahiwalay kami ng kolehiyong pinapasukan. At dahil dun naging madalang ang aming pagkikita. Sinulit namin ang bawat oras na magkasama kami para lamang magkaroon ng buhay ang pagsasama namin. Ngunit mas marami pa rin ang agwat ng hindi namin pagkikita sa mga oras na nagkakasama kami. Sa kabila ng kalungkutan ko at pag-iisa, nakilala ko ang Diyos sa tulong ng isa kong schoolmate. Sinubukan kong mag-aral ng salita ng Diyos upang labanan ang buhay at hanapin ang sagot sa aking kalungkutan. Hindi ko rin alam kung bakit biglaan ang aking desisyon na magpabinyag sa ibang simbahan, huli na rin nang malaman kong bawal sa simbahan na ‘yun ang magkaroon ng karelasyon sa hindi kaanib ng pananampalataya. Binitawan ko ang pagmamahal niya – alang-alang sa kaligtasan. Inisip ko na isang araw, babalikan ko siya at aakayin din sa aming paniniwala. Upang sa gayon ay magkasama na kami, hindi lang sa mundong ito kundi pati na rin sa buhay na walang hanggan. Nagtiwala ako sa Panginoon.
Isang tawag sa cellphone ang natanggap ko nang minsang nakaupo ako sa field ng aming Unibersidad. Nagulat ako sa narinig kong boses. Ang boses ng isang babaeng hindi ko pa rin nakakalimutan. Nasorpresa niya ako. Hindi ko inaasahang malalaman pa niya ang number ko at tatawag siya nang biglaan. Nakangiti akong parang tanga habang kinakusap ko ang babaeng unang nagpatibok ng aking puso.
“Hello?”
“Jec, kumusta?”
“Eto, gwapo pa rin. Ikaw? Nasan ka ngayon?”
“May sasabihin lang ako.”
“Pwede ba tayong magkita? Libre ka ba sa Sabado?”
“May sasabihin lang ako, Jec.”
“Ano ‘yun?”
“Ikakasal na ako.”
“Ha? Nagbibiro ka ba?”
“Hindi.”
“Bakit mo sinasabi sa akin ‘yan?”
“Gusto ko lang malaman mo.”
“Para saan?”
“Para malaman mo.”
“Hindi ako naniniwala.”
“Nasa sa iyo na ‘yun kung hindi ka maniniwala. Basta gusto kong ipaalam sa iyo.”
“Tumawag ka lang para sabihin na ikakasal ka na? Ayos ka ah.”
“Sorry. Bye.”
“Hindi ako naniniwala.”
Naputol ang aming usapan. Pinunasan ko ang aking luha na hindi ko napansing tumulo na pala. Hindi ako naniwala sa kanya. Hindi ako naniwala hanggang sa mga huling sandaling nakakita ako ng pruwebang ikinasal na siya.
Paubos na ang chichiryang kinakain niya nang lumapit siya ng bahagya sa akin. Sumandal siya aking balikat. Mula sa aking pagtanaw sa dagat, naaamoy ko ang bango ng kanyang buhok, nararamdaman ko ang pagtibok ng kanyang puso, ang buga ng hangin sa kanyang paghinga, at ang mainit na luhang dumadaloy sa kanyang mga pisngi patuloy sa aking balikat. Alam ko na sa isipan at puso niya, inaasam din niyang ibalik ang kahapon. Ang mga pangarap na nilikha namin kasama ng mga araw na nagdaan. Kaya siya ngayon lumuluha.
Paano nga ba ipapaliwanag ang pag-ibig na nagkaroon ng wakas? Ang pag-ibig na kagaya nito ay katulad ng isang bumbilyang minsang nagbigay ilaw sa madilim na kwarto. Sa unang pagsindi, puno ng liwanag at masayang nagbibigay ng tanglaw sa damdaming nag-iisa. Subalit kalaunan, sa patuloy na pagpatay-sindi at pagpihit ng bumbilya, napupundi ito at hindi na muling iilaw pa. Tulad ng damdaming napapagod sa tuloy-tuloy na hindi pagkakaunawaan at madalas na alitan; napupundi rin at namamatay. Sa huli, magpapasya kang palitan na lang ang sirang bumbilya at hahanap ulit ng bago. Ngunit ang mga alaalang nabuo mo kasama ng sirang bumbilya ay mananatili pa rin. Hindi maglalaho.
“Hindi na natin maaaring ibalik pa ang kahapon” wika ko sa kanya habang pinupunasan ko ang kanyang mga luha.
“Hindi na ba talaga pwede?”
“Marami nang nagbago. Kahit pilitin natin, hindi na rin gaya ng dati kung magsisimula ulit tayo.”
“Hanggang ngayon, mahal pa rin kita. Kaya ako tumawag sa iyo noon bago ako ikasal dahil nagbakasakali akong pipigilan mo ako.”
“Hindi ako naniwala noon. Hindi ako makapaniwalang basta ka na lang magpapakasal nang ganun. Nagtiwala ako sa pagmamahalan natin.”
“Pero ikaw ang naunang nang-iwan.”
“Kahit kailan, hindi ka nawala sa puso ko. May pangako akong binitiwan sa Diyos. Alam mo ‘yun. Pero ikaw ang kusang umalis simula nung malaman kong nagsasama na kayo.”
“Alam kong mahal mo pa rin ako. Pagkatapos nating tumigil magsulatan, alam kong patuloy ka pa ring nagsusulat para sa akin. Nababasa ko ang lahat sa blog mo. Sa mga tula mo.”
“At ‘yan din ang dahilan kung bakit tumigil ako sa pagsusulat. Alam kong binabasa mo ang lahat. Isang bagay na ayaw na ayaw kong nakikita mo, lalo na ang mga kahinaan ko.”
??? "Adik sa'yo" awit sa akin
nilang sawa na sa aking
mga kwentong marathon
Tungkol sa'yo, at sa ligayang
iyong hatid sa aking buhay
tuloy ang bida sa isipan ko'y ikaw…???
Nagri-ring na pala ang cellphone ko nang hindi ko namamalayan. Sinagot ko ang tawag at kinausap ang babae sa kabilang linya. Kailangan ko nang umalis, kailangan na niya ako.
“Medyo gabi na rin. Halika na. Ihahatid na kita.”
“Alam ba niyang nagkita tayo?”
“Oo. At kailangan ko na siyang puntahan ngayon. Mahirap kapag pinaghihintay ang asawa. Baka sa sala ako nito matulog.”
“Tara na.”
Hinawakan ko ang kamay niya habang akay siya papunta sa kotse. Lumingon muna ako sandali sa lugar na hindi ko na ulit babalikan. Tapos na sa amin ang lahat. Ang mga alaala ay parte na lang ng nakalipas. Maaaring mahal ko pa rin siya o mahal ko ang aming nakaraan. Gayunpaman, masaya ako sa sandaling nakasama ko siya ngayon.
Ibinaba ko siya sa sakayan ng bus, gusto ko pa sana siyang ihatid sa kanila pero tumanggi siya. Tinanaw ko muli ang mukhang di ko pa rin nakakalimutan.
“Bago ako umalis, isang tanong na lang.”
“O sige” sagot ko.
“Kailan mo napagpasyahang kalimutan ako?”
“Simula nung dinelete ko ang blog ko.”
15 comments:
Jeck, kung nasaan ka man... wala lang. Alam ko lalabas ka din. Hehehe! = P
Jeck, hindi ko ikukuwestiyon ang pagpatay sa blog mo. desisyon mo yan. isa kang Omega-level mutant sa pagsusulat, huwag mo itong sayangin. hihintayin ko ang bago mong blog katulad ng pag-aabang ko sa suweldo ko
@Chroneicon: Kung si Jeck ay Omega-level mutant, ano tayo?!?!?! Hahaha! = P
di ko ito nabasa pa sa blog ni pretty jeck, ito pala ang reason kung bakit niya dinelete yung blog niya. sana magsimula siya ulit.
ayan pala ang dahilan.. sana bumalik siya.. bakit magkasunod pa sila ni chilidobo na nawala??!!!
lethal.. galing ng storya mo. nyahahha. biro lang.
taena jeck... papatayin kita. haha. wag ka alala.. maraming taong magpapasaya sayu, andito ako at sila,, kahit ayaw mo pa eh hindi mo kami mapipigilan. haha.
takte! naluha ako dun... ramdam ko eh. naiintindihan ko. naman eh. hayz.. ow well.
move on... let gow. hihi. yeah!
nakita ko na din ang blog niya noong may tula kayong naniningalang bahagi.
magaling din siya like you are.sayang aman,bakit niya inalis?
amf! last post na pala ni jeck yun!! kaya pala nawawala na blog nya! sapak jeck! lagot ka saken!
astig ang pag-exit ng blog ni jeck:
parang pag-retire ni michael jordan, tinapos nya ito sa game winning shot nung 1996 nba finals.
pareng jeck, hanggang sa muling pagsibol ng iyong bagong blog. alam kong darating yun at hinihintay namin. bilisan mo! hahahaha! =D
awww!!! kaiyak naman ng istoryang ito.. JECK!!! balik ka na... i know you're a strong man... sabi nga ni PB, maraming taong magpapasaya sa'yo... kami un... :D
kaya dapat bumangong muli ang iyong blog...
waaah!!! LV.. so nice of you... :D
what a fitting farewell tribute: a genius posting another genius' last writing... master lethal verses is the perfect choice to be the second host for master jeck's last post... PAREHONG MALULUPIT AT HENYO SA LARANGAN NG PAGSUSULAT.
jeck bilisan mo ang pagbalik sa mundo natin, hindi ako kakain ng kamote hanggang wala kang bago...
huwaw. na-tats naman ako sa mga comments. hayaan niyo, babalik din ako in time. pahinga muna sa blogging pero babalik ako ng may bagong angas.
salamat sa mga nag-komento. PB at shay, paano niyo ako pasasayahin? lols
kay anonymous, parang kilala kita. ikaw ba si unknown? ahaha. salamat.
salamat pareng sherwin. gas dude, ningning! ahahaha
-jeck
JECK,
napag uusapan ng maayos yan eh... pag uwi ko, kung kelan man un... hhehhe!!!
Shet ang sakit!
NAgulat ako bakit biglang deleted na daw yung blog nya... nan dito pala ang sagot...
Ang sakit... pero ganun talaga.
@Jeck, sayang naman yung alamat ng tag, inaabangan ko pa naman yun...
@LV: Salamat sa pagpost nito... haha, kaya pala nya dinelete... salamat sa (tribute???) post na ito.
Nakita ko din sya kuya! 😅🥹ðŸ˜
Post a Comment