Nararamdaman ko ang kalungkutan na iyong nararanasan. Bagamat nasasabi nating mas mabuti na din ito para sa kaniya anupat nakatakas na siya sa gapos ng sakit at paghihirap, ay alam kong tunay na lahat tayo'y mangungulila sa kaniyang pagkawala.
Kay tatay Jerry - salamat po sa mahusay na pagpapalaki sa kaibigan kong si Jerilee. Natitiyak kong masaya kang umalis baon ang kaisipang nasa mabuting landas ang iyong anak at ang aming kaibigan.
****
Hindi ko din naiwasang salamining muli ang aking sarili matapos ang pag-uusap namin ni Jeri sa telepono. Maaring hindi ko nga ganap na maiintindihan ang hinagpis na hinaharap ng gaya niya, ngunit nauunawaan ko naman ang pait ng pagkawala ng isang AMA.
LUMAKI AKONG WALANG AMA. Anim na buwan pa lamang ako ng maulila ako sa isang ama; hindi ko naranasan ang kaniyang presensiya na sana'y katuwang ng aking mahal na ina sa paggabay sa aking paglaki, kasama ng nag-iisa kong kapatid.
Natatandaan ko pa na noong ako'y grade 1 pa lamang (at dahil hindi ako dumaan sa nursery o kindergarten, iyon ang masasabing una kong pagharap sa mundo ng nag-iisa), pinapatayo sa harap ng klase ang lahat ng mag-aaral upang magpakilala at magbigay ng mensahe sa kani-kanilang magulang. Nang ako na ang magsasalita, ang nasabi ko lamang ay "Mama, mahal na mahal ko po kayo... at Papa, sana nakilala po kita..."
Hindi ako nagpapaka-emo ng sabihin ko iyon, pero iyon ang tunay na nadama ko matapos marinig ang mga naunang nagbigay ng mensahe. Dumating din sa panahon ng buhay ko na tuwing papagawain kami ng project tungkol sa Father's Day, nagtatanong ako sa aking guro kung maari bang huwag na lamang ako magsumite ng project, anupat wala din lamang akong pagbibigyan nito. At tuwing taon nga, kinatatakutan ko ng dumating ang Father's day dahil sa ganitong kadahilanan, anupat ang mga guro ko noon ay pinipilit akong gumawa ng greeting card para sa isang ama.
Natigil lamang ito noong ako'y nasa ikalimang grado na. Natigil ito ng dahil sa halip na greeting card ang aking isumite ay isang sanaysay (na maaaring ang pinakaunang literatura na aking kinatha bilang isang manunulat) ang aking ginawa, na pinamagatan kong "A letter to the Father I never knew".
Sa nasabing sanaysay ay naipahayag ko ang aking tunay na damdamin tungkol sa aking ama. Doo'y sinabi ko kung gaano kalaki ang epekto ng isang ama sa kabuuan ng isang kabataan, ipinahayag ko ang mga masasayang bagay na dapat sana'y nararanasan ko noon. Ngunit sa huling bahagi'y pinasalamat ko pa rin ang aking ama dahil ang kawalan niya'y nagpatibay sa aking higit upang matutunang tanggapin ang mga bagay na wala tayong magagawa o kontrol.
...At higit kong natutunang pahalagaan ang aking ina at nag-iisang kapatid. Iba ang nakikita sa nasasaksihan : bagamat lahat ng tao'y nakikita ang pagsusumikap ng iba sa pag-aaruga't pagpapalaki sa atin, ako nama'y nasaksihan ang mga ito. Nasaksihan ko ang sakripisyo't pagpupuyat ng aking ina maitaguyod lamang ako at ang aking kapatid.
Sa aking ama na hindi ko nakilala, salamat sa pagbibigay sa akin ng pagkakataong lumaki at mabuhay sa mundong ito. Ikaw ang taong minahal ko kahit hindi ko man lamang nakikilala.
Salamat pong muli.
9 comments:
hay sher. parehas tayong tungkol sa tatay ang latest post.
alam mo ikaw, kahit wala kang naging father figure, palagay ko sapat naman ang guidance na binigay sayo ng mama mo kasi mabuti kang tao at alam kong magiging mabuti kang tatay pag nagkaron ka na ng anak.
Pareng Sherwin, alam kong alam mo na ang saloobin ko tungkol dito. Isa sa mga rason kung bakit tumatag pa lalo ang ating pagkakaibigan: ang pagmamahal natin sa ating mga magulang. Nand'yan man sila o wala na.
Nakikiramay din ako kay 'Pareng' Jeri.
bilib ako sa tatag mo at saludo ako sa mama mo dahil napalaki ka niya ng ganyan, walang bitterness at napaka-positibo't sensitibong nilalang.
payakap nga.
:)
Hindi na naman siguro kaila sa inyo(greenies) kung anong relationship meron kami ng Daddy ko nung nabubuhay pa sya. Pero sa kabila ng lahat, alam ko pa rin sa sarili ko na he only wanted what's best for me, for our family. Kaya naman sobrang mahal na mahal ko siya.
Pareho tayo, sobrang thankful ako sa mommy ko dahil sa lakas ng loob nya na alagaan at palakihin kaming 3.
Condolence kay Jeri.
@vera : oi oo nga, nabasa ko na ang new post mo. hmmm so pano yan, flower boy na ako?
@gasul : salamat pare, tama ka. at hindi ko malilimutan ng ishare mo ang kwento tungkol sa canopy ng gate nyo. at BABAE SI JERI! pinakilala ko na sa inyo yun, rimimbir?
..sayang wala ka sa baguio...
@utakmunggo : oo ba, hugz. at naniniwala akong ikaw din ay isang mabuting ina at asawa kay general (promoted na si mister mo hehe)
@pampoy : oo, at tama si gasul. ito ang isa sa mga katangian na nagustuhan natin sa isa't isa. ang pagmamahal sa magulang.
nakikiramay ako kay Jeri...
hihi, nauna ako mag-comment sa multiply mo. eniwei, i'm sure you'll be a good dad too. i just wish i'll be (kahit 1/4 of how cool my parents are) one heck of a cool mom also. someday nga lang. kse di pa rin kami makabuo ng baby ni mr. antuken. :(
p.s. (i'm still sooper inggit sa baguio nyo, tapos you kept on calling pa last thurs --- na napindot lang pala, tapos sagot ako ng sagot eh wala naman kumakausap saken, sus) wala ba akong pasalubong???
**hugs**
i feel for you dude. kahit na am blessed to still have a dad, masasabi ko ding i went through an ordeal when he went through bypass surgery. saludo ako sa yo. i admire the love you have for your father. and i admire the courage you have to accept everything, and the love you have for your mom and sis. ;)
Post a Comment