Friday, April 18, 2008

naniningalang bahagi


Ang sumusunod na mga talata ay ang aking unang koloborasyon ng tula kasama si jeckyll ng Red Hot Silly Kamote:


naniningalang bahagi, humahanap ng sagot
nangangarap na may lunas sa kabila ng kirot;
gutom sa euphoriang minsan ng nalasap,
doon sa kahapong may sabik at sarap.

nagaalab na damdaming puno ng nasa,
nanggigigil pasukin ang tangi niyang ligaya;
magkadikit ma'y wag nang paghiwalayin,
labag man sa loob, maglalayo rin.

o katiting na saya lang naman ang dasal,
sa lamang nagugutom, wag namang ipagbawal
na makaisa ang umagang may ngiti,
at kagyat na limutin ang mga dalamhati.

ang tamis ng ligaya’y naiwan sa labi
sinisimot ang pag-asang magtatagpong muli;
karanasang napamahal sa isang birhen
walang pangambang muling maangkin.

datapwat nangarap at lumiyab ang pagnanasa;
ang daan patungo ay tinahak nang kusa.
binaon ang isanlibong kauhawan at pagkasabik
tinunton ang pangarap na muling nang-aakit.

madidinig ba ng isang bingi ang pagsigaw
kung ang tinig ay kinulong sa isandaang tag-araw?
tagtuyot ay sumaklaw sa kakaibang init
niyapos ang tanikalang nagdidiin sa galit.

mababanaag ba ng bulag ang perlas na makinang?
kapain man sa paghahagilap ay siya mismong kandungan
patungo sa bulaklak na dating may pangako
lasapin at damhin, malapit nang masuyo.

at sa muling pagdating ng panahong iyon,
asahan mong ako’y makakapiling mo roon:
sa muling pagkislap ng tatlo mong bituin,
may kinang ang ‘yong bughaw, araw mo’y may ningning…

ngunit ligayang ito’y mararating lamang
kung may pupuksa sa mga gahaman;
mga gahamang metapora ng isang parasito:
nabubuhay sa pagkaing iba ang nagluto.

kaya’t kahit na tulang ito’y isang piping hiling
sa mga nanunungkulang sa iyo’y umaalipin;
pangahas pa rin akong sa kanila’y isisigaw:
anong saya ang naroon sa isang rangya na nakaw?

lumaya ka man sa mga dayuhang sumakop,
sarili mo namang mga hari ang sayo’y sumasalot;
kaya’t kalimutan na lamang ang ligayang nabanggit,
pagkat kahit anong pilit, di na ito makakamit.

isang salop na dusa ngayo'y kapiling ko
saang lupalop hahanapin ang nabigong pag-ibig mo?
hindi na kailan pa magkakadaupang palad
iwaksi man ng tadhana ay hindi pa rin sapat.

at kahit gayunpaman, bayan ko,
pakatandaan mong lagi ka sa isipan at sa puso
pagkat akong aba'y patuloy na magmamahal
kahit hindi na sumikat ang araw sa damdamin kong pagal.



Jeckyll - isang kumpletos rekados na manunulat ng blag: makulit. matalino. malalim. idolo.

4 comments:

Anonymous said...

ay naku. kung ano-anong pinagsasabi mo tungkol sa akin, hindi naman totoo yang mga yan. isa lang ang bagay sa pangalan ko----gwapo. LOL

salamat sa collab, parekoy. i enjoyed writing with you. gawa pa tayo ng madami. hehe.
post ko na rin 'to sa blog ko. :D

chroneicon said...

galeng. parehas ko kayong mga idol. nakakainspire magsulat

Anonymous said...

akala ko bastos ang ibig sabihin ng tula.sa huli who would have thought na hindi pala?ganda ng twist,galing niyo naman nung jeckyl.

emotera said...

sino ang magaakalang iba pala ang meaning nito...
pero ang galing nyo grabeh...
napakalalim...kung hindi mo pa sinabi na matalin hagang paraan ito ng aking sinulat hindi ko mapapansin..

mga leche talaga ang nagungurakot na yan...tatanda din sila at mamamatay, sana maubos na sila...hahahaha